Nitong ika-5 ng Nobyembre 2014, pinirmahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10645, na nag-amyenda sa Republic Act No. 7432, upang magbigay ng higit na kalinga sa mga nakatatandang Filipino. Magkakabisa ito 15 araw matapos mailathala ang batas sa diyaryo o sa Official Gazette (print).
Ano ang Republic Act (RA) 10645?
Ang RA 10645 o ay batas na ginagawang awtomatikong miyembro ng PhilHealth ang lahat ng Filipino pagtungtong nila ng edad na 60. Matatamasa ng lahat ng senior citizens ang lahat benepisyong pangkalusugan ng PhilHealth.
Kailangan ba ng mga Senior Citizen na kumuha ng ID mula sa PhilHealth?
Hindi. Ayon mismo kay Sen. Ralph Recto, “Magpakita lang sila ng ID bilang patunay na sila’y senior citizen at matatanggap na nila mula sa ospital ang karampatang benepisyong laan sa mga miyembro ng PhilHealth.”
Ngayon lang ba nagkabatas para sa segurong pangkalusugan ng mga Senior Citizen?
Hindi. Noon pang 1992, ipinasa na ang Republic Act 7432 o Senior Citizens Act. Inamyemdahan ito at ipinasa ang Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010. At ngayong 2014, muli itong inamyemdahan at higit na pinalawak ang saklaw ng naunang batas.
Ano ang pinagkaiba ng RA 9994 sa RA 10645?
Nakasaad sa RA 9994 na ang mabibigyan lamang ng awtomatikong benepisyo ng PhilHealth ay mga indigent o mahihirap na Filipino. Ito ang mga Filipinong walang sapat na kita upang magbigay ng kontribusyon at maging miyembro ng PhilHealth. Inalis ito sa RA 10645 at ginawang awtomatiko ang benepisyo sa LAHAT ng senior citizens, indigent man o hindi.
Ayon kay Sen. Recto, sa oras na hipan nila ang kandila sa kanilang ika-60 kaarawan, hanggang sa huli nilang hininga, miyembro silang lahat ng PhilHealth.
Gaano pa karaming Senior Citizen ang hindi sakop ng PhilHealth?
May 2.16 milyon pang senior citizen ang hindi nakaenrol sa PhilHealth sa kasalukuyan. Mayroong 3.94 milyong naka-enrol na, at may kabuuang 6.1 milyong senior citizen sa bansa.
Saan kukunin ng pamahalaan ang pondo para sa programang ito?
Kukunin ang pondo mula sa National Health Insurance Fund ng PhilHealth, na kita mula sa RA 10351 o Sin Tax Reform Act of 2012.
Ilang mga Filipino ang nakikinabang sa PhilHealth sa kasalukuyan?
Noong Disyembre 2013, mayroong 31.27 na nakarehistrong miyembro, at 45.63 milyong dependent. Ngayong 2014, punterya ng PhilHealth na masakop ng segurong pangkalusugan ang higit 90% ng mga Filipino